26

Feb 20, 2021 @ 16:38
By

Sotto ‘wa pake’ sa bagong Senate building

No comment si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa suhestiyong gawin na lamang modernong ospital ang itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Ani Sotto, itanong na lamang ang isyu sa susunod na Senate President dahil hindi na niya ito aabutin.

“Tanungin n’yo susunod na SP (Senate President). Di ko na aabutin ‘yun, wala na akong kuwarto dun, bahala na ang susunod na Senate,” pahayag ni Sotto sa panayam sa DWIZ nitong Sabado.

Matatandaang sinang-ayunan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang opinyon ni dating Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na gawin na lamang ospital para sa mga pasyenteng may coronavirus disease ang bagong gusali ng Senado sa Fort Bonifacio.

Aniya, dapat isaalang-alang muli ng Senado ang planong pagtatayo ng bagong gusali nito habang ang gobyerno ay aligaga sa pangangalap ng pondo upang makabili ng mga bakuna at magbigay ng tulong sa mga sektor na naapektuhan ng pandemya.

Sabi pa ni Panelo, maayos pa naman daw ang gusali ng Senado sa Pasay City.

Sa kasalukuyan ay nagbabayad ang Senado ng taunang renta na nasa P100 milyon para sa bahagi ng Government Service Insurance System building sa Pasay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?