By

Sotto, Senate President na sa Lunes

Sharing is caring!

Magiging pangulo na umano ng Senado sa Lunes, Mayo 21, si Senador Vicente “Tito” Sotto III.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, 14 na senador mula sa majority bloc ang lumagda sa “statement of support” para kay Sotto kaya tiyak nang mapapalitan nito sa puwesto si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Ito ay sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Sen. Sonny Angara, Sen. Nancy Binay, Sen. JV Ejercito, Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Richard Gordon, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Gregorio Honasan, Sen. Loren Legarda, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Joel Villanueva, Sen. Cynthia Villar, Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Panfilo Lacson.

Magiging 15 kapag dumating na si Sen. Grace Poe buhat sa ibang bansa.

Sinabi ng source na sadyang hindi pipirma rito ang magkatunggali sa senate presidency na sina Sotto at Pimentel.

Una nang sinabi ni Sotto na hindi niya tatanggihan ang posisyon kapag ibinigay ng mga kapwa senador.

Binigyang-diin naman ni Pimentel na hindi siya kapit-tuko sa puwesto kaya ipauubaya niya ang posisyon.

Magiging abala na rin daw siya sa kampanya para sa Eleksiyon 2019 dahil kakandidato siyang muli sa pagka-senador.

Aatupagin din niya ang kampanya ng PDP Laban dahil siya ang pangulo nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?