62

Feb 8, 2021 @ 19:01
By

Sotto sa mga kritiko ng child car seat law: Basa muna bago kontra!

Ipinagtanggol ni Senate President Vicente Sotto III ang isang batas na nag-aatas sa paggamit ng child restraint system o car seat para sa mga bata.

Sabi ni Sotto, ang “misinterpretation” ng probisyon ng batas na ito ay hindi dapat maging dahilan ng pagpapaliban ng implementasyon nito.

Sa kanyang privilege speech, susuportahan niya ang pagpapaliban sa pagpapatupad ng RA 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act, dahil sa epekto ng pandemya kung saan karamihan sa mga tao ay walang dagdag na kita.

“However, if the reason for the postponement is not due to the pandemic but that the law is being misinterpreted, that I cannot support,” sabi ni Sotto.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 ang Child Safety in Motor Vehicles Act na nag-aatas sa mga batang may edad 12 pababa na gumamit ng child restraint system o car seat at papayagan lang umupo ang mga ito sa harap kung ang taas nito ay 4’11” at gagamit ng seat belt.

Nakatakda ang full implementation noong Pebrero 2 subalit sinabi ng Land Transportation Office na magsasagawa muna sila ang information drive sa halip na manghuli o mag-isyu ng ticket para sa mga lalabag.

Nanindigan naman si Sotto na ang paggamit ng child restraint system tulad ng car seat at booster seat ay napakahalaga dahil magbibigay ito ng tiyansang makaligtas sa anumang uri ng aksidente.

“The law covers only below 12 years old and with a height of less than 150 centimeters or 49 inches. If a child does not fall in this age and height requirement as provided by law, the usual seatbelt will suffice,” saad ni Sotto.

Binatikos din ni Sotto ang mga social media user na nakakadagdag sa “misinterpretation” ng ilang probisyon ng naturang batas.

“Merong nagsasabi na paano raw anak niya 11 years old lang e 5’8”. E di hindi kailangan! Common sense,” diin ni Sotto.

“The law says combined, the age and the height. Ganun e. Tsaka weight. Maliwanag doon,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?