24

By

Sotto sa mga kontra sa 14th month pay bill: Pag-aralan muna nila bago umangal

Sharing is caring!

HINIMOK ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga kumokontra sa kanyang panukala para sa pagbibigay ng 14th Month Pay sa pribadong sektor na pag-aralan muna ang nilalaman nito bago ito supalpalin.

Binigyang-diin ni Sotto na sa ilalim ng kanyang panukala hindi naman lahat ng kumpanya ay oobligahing magbigay ng 14th Month Pay sa mga empleyado sa pribadong sektor.

“Meron akong exemption sa panukala, basahin muna nila bago sila umangal,” saad ni Sotto.

Sinabi ni Sotto na dedepende naman anya sa kita ng kumpanya kung kaya nitong magkaloob ng 14th Month Pay o hindi.

“Hindi sila obligado kung hindi nila kaya at makikita naman sa BIR kung kaya o hindi e,” diin ng senador.

Ipinaliwanag ng lider ng Senado na layun ng naturang panukala na matulungan ang mga empleyado na makaagapay sa panahon ng bayaran ng matrikula.

Sa ilalim anya ng panukala, ibibigay ang 13th Month Pay sa mga empleyado sa kalagitnaan ng taon para magamit sa enrolment habang ang 14th Month Pay ay ibibigay bago mag-Pasko.

“Ang 13th month binibigay sa Pasko pero mas kailangan ng kababayan natin na pang-tuiton, yung bago mag-June kaya kung pwede ung 13th month bago mag-June ibigay at ung 14th month bago mag-Pasko ibigay,” paliwanag ni Sotto.

Umaasa si Sotto na matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang economic team na pag-aralan ang panukala ay maipapasa na ito sa Senado ngayong Agosto o sa susunod na buwan.

“Ngayon sana wag abutin ng eleksyon sana August September maipasa na before the budget. Yung September na panahon namin sana,” dagdag ng mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?