79

Sotto sa Kamara: bakit ngayon lang bumanat kay Diokno?

Pinuna ni Senate President Tito Sotto III ang pag-aakusa ngayon ng liderato ng Kamara na may anumalya sa latag ng panukalang pambansang badyet para ngayong 2019 na ibinibintang kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno.

Ayon kay Sotto, dapat ay nakita na iyon nung dininig at hinimay ng Kamara ang panukalang badyet.

Isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara ang National Expenditure Program (NEP) o panukalang badyet matapos ang kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2018.

Bumabad na iyon sa Kamara hanggang atrasadong iniakyat sa Senado bago matapos ang Nobyembre.

Sinabi ni Sotto na maaring busisiin din ng mga Senador ang alegasyon ng mga konggresista laban kay Diokno ukol sa badyet.

“Any senator may bring it up if he/she so wishes,” ani Sotto.

“But it surprises me to think why the congressmen did not take those issues up when the budget bill was with them,” dagdag ng pangulo ng Senado.

Inakusahan ni House Majority Leader Rolando Andaya si Diokno ng pagdaragdag ng P75 bilyon sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para diumano madagdagan ang badyet nito para sa mga flood control project sa Bicol Region kung saan makikinabang umano ang construction firm ng mga balae ng kalihim. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?