20
sotto2
By

Sotto sa BOC, PDEA: ‘Wag kayong mag-away sa publiko

Sharing is caring!

PINAYUHAN ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na huwag nang ipakita pa sa publiko ang kanilang pagsisihan o pag-aaway.

Ito ay kasunod ng panibagong insidente ng pagkakalusot ng P7 bilyon na halaga ng shabu sa lalawigan ng Cavite.

“Una sa lahat dapat ang PDEA at Customs, hindi nag-aaway sa publiko. Wala muna turuan, imbestigahan muna,” saad ni Sotto.

Naniniwala rin si Sotto na sadyang mayroong kasabwat ang sindikato ng droga sa BOC para mailusot ang iligal na kontrabando.

“Sigurado, paano makakapasok kung walang sabwatan, hindi naman pwedeng katangahan sobrang gagaling na nga ng mga andun,” saad ni Sotto.

Inihayag din ni Sotto na muli niyang igigiit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukala na magtatag ng Presidential Office on Drugs an Crime upang matutukan ang mga insidenteng ito.

“Lalakas ang tinutulak ko na i-create na ang Presidential Office on Drugs and Crime. Magkasama sila (PDEA at BOC) dun. Uulitin ko kay Presidente yun. Palagay ko yun ang magandang solusyon para maiwasan ang ganyang pangyayari,” diin ng senador.

“Pero nakakadala na ito sa Customs ah, pinalitan na mga tao tapos meron pa ring ganyan,” dagdag pa ng lider ng Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?