55

By

Sotto makikipagpulong kay Duterte para sa Bahay Pag-asa

Magpapa-ayuda na si Senate President Tito Sotto kay Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang isyu sa pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa.

Utos ng Juvenile Justice Law na magpatayo ng mga Bahay Pag-asa sa lahat ng 81 na lalawigan at 33 highly-urbanized cities pero 58 pa lang ang nakatayo sa buong kapuluan.

Dito dapat ipinapasok ang mga batang gumawa ng krimen o sangkot sa krimen na itinuturing na children in conflict with the law (CICL).

Ayon kay Sotto, hihiling siya ng pulong kasama nina Pangulong Rodrigo Duterte at Budget Secretary Benjamin Diokno ukol dito.

“I’ll ask for a meeting with PRRD together with Sec. Diokno and Sen. Ping before or even after the President signs the GAA. I’m sure we’ll be able to resolve the issue on Bahay Pag-asa,” sabi ni Sotto.

Kailangan aniya itong maresolba dahil mas kailangan pa ang mga Bahay Pag-asa kapag ibinaba na sa 12-anyos ang minimum age of criminal responsibility.

Sa mga pagdinig ng Senado, inihayag ng Juvenile Justice and Welfare Council na kalahati pa ng mga lalawigan at siyudad ang walang Bahay Pag-asa dahil kapos sa pondo o kaya ay kulang sa kaalaman ang mga lokal na opisyal ukol sa pagpapatayo ng ganitong mga institusyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?