166

Mar 3, 2020 @ 22:47
By

Sotto kay Bato: Pagiging senador at tagasunod ng administrasyon, magkaiba

Tiwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mapapagtanto rin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magkaiba ang pagiging senador sa pagiging tagasunod lang ng administrasyon.

Reaksyon ito ni Sotto matapos sabihin ni Dela Rosa na sila na ngayon ang Senate minority matapos aprubahan ng kapulungan ang isang resolusyon na naggigiit sa Korte Suprema na maglabas ng ruling kung kailangan ba o hindi ang concurrence ng Senado sa treaty withdrawal.

Kabilang si Dela Rosa sa pitong senador na mula sa majority bloc na nag-abstain sa pagboto.

Pinabulaanan naman ni Sotto ang hinaing ni Dela Rosa.

“That’s his perspective pero hindi pwedeng maging totoo ‘yun. Paano kang naging minority o feeling minority kung lahat ng mga major committees hawak mo? No such thing,” ani Sotto.

“Hindi pwedeng all the time dahil porke majority ka, o member ka ng majority, pwedeng all the time e lahat ng gusto mo at lahat ng bobotohan mo ay mananalo. Hindi ganun,” dagdag pa niya.

“You debate on your position, kumbinsihin mo ‘yung mga kasama mo tungkol sa position mo. Hindi pwewedeng bulung-bulungan lang tayo, pakatapos boboto tayo at ‘pag hindi nagwagi ang boboto natin ay sumasama ang loob natin,” paliwanag pa niya.

Hindi raw maaaring maging “Senate of the administration” ang Senado.

“‘Pag ganun ang thinking, lahat ng bills na hindi member ng majority ay hindi dapat manalo? Lahat ng resolution na hindi member ng majority hindi dapat manalo? Hindi naman dapat thinking ‘yun. Later on, he will realize that being a senator is different from being just a follower of the administration,” wika ni Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?