149

Sep 8, 2021 @ 12:08
By

Sotto: ‘Kapag kami ang nangako, hindi mapapako’

Sa pag-anunsyo ng kanyang kandidatura sa pagkapangalawang pangulo sa 2022 ngayong Miyerkoles, ibinida ni Senate President Tito Sotto na hindi mapapako ang kanilang mga pangako.

Sa launching ng Lacson-Sotto tandem kung saan unang nagsalita ang senate president, nilahad nito na panahon na upang baguhin ang sistema ng bansa.

Gayundin, ipinangako niya na hindi sila titigil ng katambal na si Senador Panfilo Lacson na tugunan ang pangangailangan ng bansa.

“Pinapangako namin na hindi kami titigil sa laban na ito hanggang hindi nanunumbalik ang kaayusan ng ating bansa. Pangako yan,” pahayag ni Sotto

“At kapag kami ang nangako, hindi mapapako,” pagsisigurado ng senador.

Ibinahagi rin niya kung para kanino ang kanilang laban ni Lacson.

“Ito po ay hindi tungkol kay Lacson at Sotto, ito ay tungkol sa inyo. Kayo ang nais naming pagsilbihan, ang mga nananahimik, ang mga simple at ordinaryong mamamayan,” dagdag pa ni Sotto.

Una na ring sinabi ni Sotto na hindi siya aatras sa kandidatura kahit sino pa ang kanyang makaharap, at kahit pa isa rito si Pangulong Rodrigo Duterte na tinanggap ang nominasyon ng kanyang partido na PDP-Laban.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?