11

Feb 20, 2021 @ 16:12
By

Sotto: Indemnification sa COVID-19 bakuna, puwede ipasa sa insurance company

Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagmumula sa mga pharmaceutical company ang delay sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19.

Ani Sotto sa panayam sa DWIZ nitong Sabado, may ilang pharmaceutical company na naniniguro at gustong sagutin ng bansa ang kompensasyon para sa mga magkakaroon ng side effects sa COVID-19 vaccine sa bansa.

“May pharma na naniniguro, nanghihingi ng indemnification na sagutin ng bansa at ‘di nila nagpipilit kayo bumili parang ganun ang mentality nila, in so many words ha, not exactly sa words na sinasabi ko,” saad ni Sotto.

Dagdag niya, maaari namang magpa-bidding sa mga insurance company para sa indemnification at hindi kailangang ang gobyerno ang sumagot ng kompensasyon.

“Unless mapag-usapan namin sa Lunes na i-take into consideration na ang finile ko para pasok na, andun na ang mandate ng indemnification, ang 500M na nakalagay doon pero puwede tayong magpa-bid sa insurance companies so hindi kailangan ang gobyerno ang sasagot baka mas maliit doon,” aniya.

“For example, insurance mag-bid sila ng 10%, kung gusto natin 500M kung may insurance company baka 50M lang. Stats ang maaaring maging adverse effect, malala, serious ng vaccine ang lumalabas na maaaring magkaroon ng adverse effect is 0.00005000. kung 70M ang babakunahan, ang posibleng may adverse na masama 350 lang,” dagdag niya.

Dahil sa liit ng bilang ng maaaring magkaroon ng malalang adverse effect sa bakuna, mag-uunahan aniya ang mga insurance company dito.

“Sa 70M ang posible lang 350, posible ha. Hindi pa nga sinasabi na sigurado. So ang insurance company mag-uunahan,” patuloy niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?