37

Sep 8, 2021 @ 13:32
By

Sotto: Ibabalik natin kaayusan ng Pilipinas

Bagama’t nahaharap sa matinding suliranin ang Pilipinas, nanawagan si vice presidential candidate Senate President Vicente Sotto III sa mamamayan magpakatibay at huwag mawalan ng pag-asa dahil asam ng tambalan nila ni Sen. Panfilo Lacson na maibalik ang kaayusan ng bansa.

Sa pormal na pag-anunsyo ng kanilang kanilang tambalan ni Lacson, binanggit ni Sotto ang matinding mga suliranin na kasalukuyang nararanasan ng bansa at ng mga Pilipino.

“Bagsak na ekonomiya; Pagkalat at pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa; Laganap na korapsyon; Paghihirap ng mga Pilipino. At gaya ng dati, ang mga ordinaryong tao, ang mga salat sa karangyaan, ang mga dukha, ang mga mahihirap ang nakakaranas ng matinding pagdurusa,” sabi ni Sotto sa kanyang talumpati.

Subalit sa kabila ng mga problemang ito, binigyang-diin ni Sotto na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sambayanang Pilipino.

“Ngunit ang mas malubhang problema ay ang kawalan ng pag-asa. Huwag na huwag yan ang mawawala. Marami sa atin ay hindi alam kung kanino na magtitiwala, okung ano ang paniniwalaan,” ani Sotto.

“Marahil, dumating na tayo sa punto na hindi na natin kayang ipagsawalang bahala na lamang ang mga nangyayari – sa ating gobyerno, sa ekonomiya.”

“Tama na! Kailangan na nating tumugon! Kailangan na nating umaksyon! Kailangan na natin magsanib pwersa upang mapigilan at maitama ang mali. Ito na ang simula,” lahad ni Sotto.

Ayon pa kay Sotto, ito na aniya ang huling pagkakataon nila Lacson na maisalba ang henerasyon ngayon at sa mga susunod pa.

“Kami po ay naririto sa inyong harapan dahil sa pagmamahal namin sa ating lupang sinilangan. Dahil naniniwala kami sa inyo, aming mga kababayan; Dahil ninanais namin na magtanim at magbigay ng pag-asa sa puso at kaisipan ng bawat Pilipino,” sabi ni Sotto.

“Subali’t higit pa sa aking mga nabanggit, naririto kami dahil kami ay naniniwala na sa ating pagtutulungan, tayo ay magtatagumpay,” dagdag pa nito.

Pangako pa ni Sotto, hindi sila titigil ng kanyang ka-partner na si Lacson hangga’t hindi naibabalik ang kaayusan sa Pilipinas.

“Pinapangako namin na hindi kami titigil sa laban na ito hanggang hindi nanunumbalik ang kaayusan ng ating bansa. Pangako iyan!”

“At kapag kami ang nangako, hindi mapapako! Ito po ay hindi tungkol kay Lacson at Sotto. Ito ay tungkol sa inyo! Kayo ang nais naming pagsilbihan. Ang mga nananahimik. Ang mga simple at ordinaryong mamamayan,” diin pa ni Sotto. (

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?