15

Oct 25, 2020 @ 15:10
By

Sotto hinamon PACC: Nangungurakot sa DPWH pangalanan niyo!

Hinimok ni Senate President Vicente Sotto III ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ibunyag ang mga pangalan ng mga mambabatas na sangkot diumano sa katiwalian sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Kailangan ilabas natin, patunayan natin, sino-sino ‘yung mga contractors, sino ‘yung mga congressman, sino ‘yung mga senator, legislator, kahit sino pa, or Cabinet member, kahit sino, ilabas natin,” pahayag ni Sotto sa panayam sa dwIZ noong Sabado.

“‘Yun ang maganda, para hindi…magagalit ‘yung iba diyan, sigurado sasabihin, who are you alleging to? Ang nangyayari diyan, everybody is suspect. Pangalanan and then show the evidence,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Sotto ang pahayag matapos sabihin ni PACC Commissioner Greco Belgica na ilang kongresista ang nambu-bully diumano sa DPWH district engineer at nakikipagsabwatan sa mga mambabatas, contractor at district engineer.

Sabi ni Belgica, isusumite nila ang kanilang report kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga kaukulang ahensiya para magsagawa ng imbestigasyon.

Pero giit ni Sotto, hindi matitigil ang katiwalian na kinasasangkutan din ng mga mambabatas at iba pang indibidwal kung ito papangalan ng PACC.

“Paano matitigil kung hindi mo ilalantad? Sino sa Public Works ang gumagawa niyan? Sino-sino sa kanila? Ano ang ebidensiya na ginawa nila ‘yan? ‘Yun ang importante para matigil once and for all,” ani Sotto.

“‘Yung may mga ebidensiya, ilabas para pinakamaganda. At imbitahan natin ‘yung mga dapat na imbestigahan,” wika pa nito.

Naniniwala naman si Sotto na wala sinuman sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang sangkot sa korapsyon sa DPWH.

“Wala akong nakikita. Wala akong nakikita sa dalampu’t-tatlong senador na katulad noong binibintang,” ayon kay Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?