168

Aug 4, 2018 @ 2:20
By

Sotto, Edu haharabas sa Batang Gilas Pilipinas

Laro sa Linggo, Agosto 5
(Nonthaburi, Stadium 29)
8:00pm — Philippines vs Lebanon

Sasabak na simula sa Linggo, Agosto 5, ang Chooks-to-Go Batang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Under 18 sa Nonthaburi, Thailand.

Umalis alas-2 ng hapon kahapon ang bumubuo sa Batang Gilas patungo sa probinsiya ng Thailand na Nonthaburi bitbit ang pagnanais na putulin ang 39-taong pagkauhaw sa titulo at pinakaunang pagkakataon na makatuntong sa torneo para sa mga manlalaro edad 18 pababa.

Unang makakaharap ng Batang Gilas ang Lebanon sa Linggo, sunod ang United Arab Emirates sa Lunes at ikatlo ang powerhouse China sa Martes.

Matatandaang natalo ang Pilipinas sa kanilang pakikipagharap 84-87 kontra Lebanon noong Agosto 29, 2008 sa paglahok nito sa FIBA Asia U18 Championship for Men.

Gayunman, umaasa ang tagasuporta ng koponan na si Chooks-to-Go president Ronald Mascarinas na makagagawa ng kasaysayan ang pinakamataas ngunit pinakabatang koponan sa bansa na maputol ang matagal na pagkauhaw sa titulo at mairepresenta muli ang bansa sa torneo sapul na huling makasali noong 1979.

“I believe that our team will not just focus on winning the tournament but also be ambassadors of goodwill,” sabi ni Mascarinas, na bagaman nadismaya sa pag-atras ng Gilas Pilipinas sa pagsali sa kada apat na taong Asian Games ay babawi naman ang pinakamataas at pinamaliliksing batang manlalaro sa bansa.

Binubuo ang koponan ng katatapos lamang maglaro sa FIBA U17 World Cup na si Kai Sotto habang makakasama nito sina AJ Edu, Dave Ildefonso, at Dalph Panopio.

Si Sotto at Edu ay nakalista bilang 7-foot-2 at 6-foot-11.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?