42
Sotto di' matitinag bilang Senate President - Gatchalian
By

Sotto di’ matitinag bilang Senate President – Gatchalian

Malaki ang posibilidad na mananatiling Senate President si Vicente Tito Sotto III sa pagpasok ng 18th Congress.

Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City na pinangangasiwaan ni Wilson Lee Flores, sinabi ni Senator Sherwin ‘Win’ Gatchalian na mayroong solidong 20 senator ang nagbigay ng siguradong suporta pabor sa pananatili ni Sotto bilang senate president.

Aniya, nitong isang gabi lamang nang magkaroon sila ng pagpupulong ng mga incumbent at incoming senators para magkaroon ng consensus sa pipiliing lider sa Senado gayundin ang mga komite na kanilang hahawakan.

Sinabi ni Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committees on Energy, and Economic Affairs, na may 99 porsiyentong makukuha si Sotto ng suporta sa mga kapwa senador sa Senate presidency.

Habang tinukoy ni Gatchalian ang ilan sa mga komiteng napagkasunduan at nakuha ng mga baguhang kapwa senador katulad nina senator Bong Go na hahawakan ang Committee on Health habang mapupunta naman kay senator Bato dela Rosa ang Committee on Public Order.

Mananatili naman sa mga incumbent senators gaya ni Senator Grace Poe ang Committee on Transportation gayundin ang Public Services habang mananatili kay Senator Richard Gordon ang Blue Ribbon Committee.

Kasunod nito, pinawi naman ni Gatchalian ang agam-agam ng publiko na magiging sunod-sunuran ang Senado sa administrasyong Duterte bunsod ng pagiging dominante ng partidong PDP-Laban sa Senado.

Idinagdag pa ng senador, pagdating sa mga isyu, napapanatili ng Senado ang pagiging independiente nito kung kaya’t hindi maaaring maimpluwensiyahan ng sinuman ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?