By

Sotto binuhay ang Gilas, ikalawang panalo tinigpas

Sharing is caring!

Ipinaramdam ni 7 foot 1 center Kai Sotto ang kanyang presensiya nang tulungan ang Gilas Cadets na sikwatin ang ikalawang panalo sa 2018 Filoil Flying V Preseason Cup sa Filoil Flying V Center sa San Juan nitong Martes nang silatin ang UE Red Warriors 63-61.

Tila bibiyahe na sa siguradong panalo ang Red Warriors nang itarak ang 11 puntos na kalamangan 61-50 subalit tila napagsarhan ng ring nang walang maipasok na tira sa natitirang siyam na minuto ng aksiyon.

Sinamantala ito ng Gilas at nagpakawala ng 13-0 run sa pangunguna ni Sotto para ibuhol ang isko sa 61-all sa bisa ng dalawang free throw.

Sa sumunod na play, harapang inagawan ng bola ni Juan Gomez de Liano si UE top scorer Alvin Pasaol tungo sa libreng lay-up at nakawin ang kalamangan, 63-61, apat na minuto pa sa laro. Mula rito wala nang nakaiskor alinman sa dalawang team at kuha ng Gilas ang second win kontra limang talo.

Nanguna sa Gilas ina Abu Tratter at Kobe Paras na may 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakabanggit habang nasayang ang 22 puntos ni Pasaol para sa UE.

Swabe naman ang unang pagsalang ni Sotto na naglista ng limang puntos, tatlong rebounds at dalawang blangka sa 13 minutong paglalaro. (a)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?