61

By

Sosyo ni Calida sa security agency ng pamilya, hindi iligal – Pimentel

Mariing sinabi ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na walang ilegal kung hindi binibitiwan ni Solicitor General Jose Calida ang 60 porsyento ng sosyo sa security agency ng pamilya.

Ipinunto na hindi naman miyembro si Calida ng gabinete.

Idiniin na batay sa Konstitusyon, ang mga myembro lang ng Konstitusyon ang obligadong mag-divest o bumitiw sa sosyo sa negosyo.

“Ang understanding ko sa Konstitusyon, if you join the Cabinet, you are required to divest but he is not part of the Cabinet. Ang Cabinet nya ay si Justice Secretary (Menardo) Guevarra,” ani Pimentel.

Bukod dito, sinabi ni Pimentel na hindi naman bawal na magkaroon ng business interest ang mga nasa antas ni Calida basta’t hindi ito ang mangangasiwa sa kumpanya o sa operasyon ng negosyo.

Hindi naman aniya nangangako ang mga pumapasok sa gobyerno na sila ay magpapakapobre kaya pwede naman silang magkaroon ng negosyo.

“Wala namang vow of poverty kapag sumali ka sa gobyerno,” diin ni Pimentel.

Sa kaso ni Calida, umano ay ang asawa at mga anak nito ang nangangasiwa sa kanilang security agency.

Sinabi naman ni Pimentel na ibang usapan kung nakaimpluwensya si Calida kaya nakauha ng mga kontrata sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang security agency nito.

Para magkaliwanagan, pwede aniyang isapubliko na lang ng mga ahensyang ito ang kontrata sa security agency ng pamilya Calida.

Samantalay naihain na ang resolusyon ng Senate minority bloc na nagpapa-imbestiga sa mga kontrata ng security agency ni Calida. Hindi pa ito naitalaga sa anumang kumite kaya hindi pa ito maisalang sa mga public hearing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?