766

Dec 29, 2017 @ 19:54
By

Somali national namatay sa piling ng BF sa hotel

Nasawi ang isang 39-anyos na Somali national sa hindi pa alam na dahilan habang nasa hotel kasama ang kanyang boyfriend na isang Pinoy sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Ziyad Abdul y Abdulkadir, lalaki, call center agent at pansamantalang nanunuluyan sa Barangay 80 ng nasabing lungsod, na agad na isinugod ng mga rumespondeng Rescue Team ng Dream Panter sa pamumuno ni Francisco Zapata sa Manila Central University (MCU) hospital ngunit idineklarang dead on arrival ganap na alas-10:00 ng umaga.

Sa ulat ni Caloocan City Police Deputy Chief for Administration Insp. Ilustre Mendoza, naka-check in sa Novo Hotel na matatagpuan sa Rizal Avenue malapit sa LRT Monumento ang biktima kasama ang kanyang BF na nakilalang si Renemarc Baniqued, 26, massage therapist at residente ng Torres Bugallon Street, Barangay 203, Tondo.

Pumasok umano ang biktima sa CR at biglang tinawag si Baniqued dahil sa wala umano siyang makita at puro puti lang ang kanyang naaaninag.

Takot na takot umano ang biktima at niyakap ang kanyang nobyo. Sa tagpong ito ay nawalan ng malay si Abdulkadir.

Humingi ng saklolo sa pamunuan ng hotel si Baniqued at sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kung ano ang dahilan ng pagkasawi ng biktima. Nakikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa pamilya ng biktima upang masailalim sa awtopsiya ang bangkay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?