8,071

Dec 2, 2017 @ 13:47
By

Solusyon para hindi agad pumuti ang buhok

Alam n’yo bang bahagi na ng normal na katawan ng tao ang pagbabago at paghina ng iba’t ibang sistema kapag tumatanda. Kasabay ito ay ang pagbabago sa kulay ng buhok na kung dati’y itim, kalaunan ay magiging puti.

Ang pagputi ng buhok ay hindi maiiwasan habang patungo sa katandaan. Sa katunayan kapag sumapit na ang isang tao sa kalagitnaan ng edad na 30, ang pagkakaroon ng uban ay unti-unti nang nagsisimula.

Ang karaniwang kulay ng buhok nating mga Filipino ay itim. Ito ay galing sa pigment na tinatawag na melanin. Bawat hibla ng buhok ay nagtataglay ng melanin, may matingkad na melanin (dark) at mayroon din na ‘di gasinong matingkad (light) na melanin. Ang kombinasyon ng dark at light melanin ang lumilikha naman ng iba pang kulay ng buhok na makikita sa ibang mga lahi.

Unti-untingnababawasan ang melanin kapag tumatanda na at nagreresulta ito sa pagputi ng buhok. Sasapit na tuluyan nang walang matitirang melanin at magiging puti na ang lahat ng hibla.

Kung bakit nangyayari na nababawasan ang melanin at pumuputi ang buhok ay nananatili pa ring palaisipan para sa mga mananaliksik. Ang eksaktong sanhi nito ay hindi pa natutukoy maliban sa koneksyon nito na may kinalaman sa edad at genetics.

Alam n’yo rin bang may solusyon na para hindi agad ubanin? Kung masusunod lamang ang mga tips na ito ay tiyak na mananatili ang black hair.

Itigil ang paninigarilyo — Para sa mga tao na naninigarilyo, mas makabubuti na huminto na sa bisyong ito. Malaki ang masamang epekto ng mga kemikal na nagmumula sa sigarilyo. Ang maagang pagputi ng buhok ay isa sa mga pangit na dulot ng bisyong ito.

Bigyan ng sapat na bitamina B12 ang katawan – Katulad ng unang nabanggit, ang vitamin B12 ay mahalaga para mapanatili ang malusog na pagtubo ng buhok. Ito ay makukuha sa mga produktong mula sa hayop gaya ng karne, isda, manok, itlog, at gatas.

Mag-ehersisyo — Ang regular na pag-eehersisyo ay maganda para sa pangkalahatang kalusugan ng katawan. Hindi lamang napapanatili ang mabuting kalusugan, kundi napapabuti rin nito ang magandang daloy ng dugo kasama ang anit. Ito ay magreresulta sa maayos na tubo ng buhok at makakapigil sa agad na pagkakaroon ng uban.

Iwasan ang pagkain ng mga junk foods at pag-inom ng alkohol/alak — Ang labis na pagkonsumo ng mga pagkaing walang sustansya ay madaling makatanda ng itsura. Kaya’t kung seryoso na magmukhang bata, piliin ang tamang pagkain at junk foods ay huwag pansinin.

Ang mga sanhi naman ng maagang pagputi ng buhok ay ang mga sumusunod:

Nasa genes: Kapag ang isang tao ay nagsimulang sibulan ng mga puting buhok sa batang edad (30 pababa), hindi malayo na ang dahilan nito ay ang pagkamana niya sa kanyang mga ninuno. Kung ang magulang o sino mang miyembro ng nakatatandang pamilya ay may ganitong kalagayan, tumutukoy ito sa kasabihan na nasa lahi nang putiin ang buhok.

Hydrogen peroxide — Ang hydrogen peroxide ay isang sangkap na ginagamit sa pag-bleach (pagpapaputi). Ang hair cells ay kusang gumagawa ng sarili nitong hydrogen peroxide. At habang tumatanda ay dumarami ito na pinaniniwalaan ng mga researcher na siyang pangunahing dahilan ng pagputi ng buhok.

Paninigarilyo — Ang paninigarilyo ay sinasabing nagdudulot ng maagang pamumuti ng buhok. Kadalasang mapapansin ang pamumuti ng buhok ng mga naninigarilyo bago sumapit ang edad na 30.

Mataas na bilang ng free radicals sa katawan – Ang free radicals ay ang mga lason na naiipon sa katawan dulot ng maling pagkain, stress, polusyon, etc. Ayon sa pag-aaral, ang maagang pagputi ng buhok ay palatandaan ng lumalalang pagdami ng mga free radicals sa katawan habang maliit lamang ang bilang ng antioxidants (ang antioxidants ang siyang pangontra sa mga free radicals).

Kakulangan sa vitamin B12 – Tumutukoy din sa agarang pagputi ng buhok ang kakulangan sa Vit. B12. May kaso ng pamumuti ng buhok na bumalik muli sa pag-itim nang mapunan ang kulang na Bitamina B12 ng katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?