477

Nov 22, 2021 @ 16:53
By

Solon parang asong binugaw sa Clark airport

Nagpahayag ng pagkadismaya ang isang lider ng Kamara de Representantes matapos umano itong bugawin na parang aso sa Clark International Airport.

Sa isang privilege speech ngayong Lunes, ikinuwento ni House Deputy Speaker at Negros Oriental Arnolfo Teves Jr., na dumating siya noong isang linggo sakay ng pribadong eroplano sa Clark airport.

“Merong terminal sana dun na maliit para sa mga private na aircraft, dati may banyo dun na nagagamit, ngayon nagulat ako pagkababa ko sa eroplano para kaming aso na binubugaw nung tao dun sa opisina,” sabi ni Teves.

Nagpatuloy umano siya sa paglalakad dahil nais niyang makigamit ng banyo.

“So pagdating ko dun sa opisina sinalubong ako ng mga tao dun ang yayabang na, ang susungit. So tinanong ko ano na ba ‘to ngayon? Opisina daw ng LIPAD Corp. Sabi ko ano itong LIPAD Corp.? Sila daw nagpapatakbo ng Clark (airport) sabi ko puwede ba maki-ihi lang, hindi daw puwede, bawal,” kuwento ni Teves.

Ang LIPAD o Luzon International Premier Airport Development Corporation ang operator ng bagong terminal building ng Clark airport.

“Hindi sa nagpapa-VIP ako o ano (man) wala naman talagang maihian dun eh,” punto pa ni Teves. “Sabi nila private corporation daw sila, alam ko kasi building ng gobyerno yun eh. Be it a private corporation or government kahit humanitarian reason na lang dapat payagan nila yung tao na umihi dun.”

Nagbabala si Teves na magbibigay ng maling impresyon ang ginagawa ng mga tauhan ng LIPAD sa mga VIP at investor na lalapag sa Clark airport sakay ng pribadong eroplano.

“Anong mangyayari kung meron tayong mga investor, mga VIP na magla-landing sa Clark at gusto lang maki-ihi kahit makisilong na lang para hindi mainitan bawal pala sa building na yun dahil dito sa mayayabang at masusungit na tao ng LIPAD Corp.,” sabi pa nito.

Isiniwalat din ni Teves na mayroong tumawag sa kanyang tanggapan mula sa LIPAD at nais na makipag-usap.

“Kung tama sila, hindi ko maintindihan bakit kanina nagpapatawag sila sa opisina ko, gusto makipag-usap at mag-apologize daw. Sabi ko kung gusto ninyo mag apologize pumunta kayo dito sa Kongreso,” sabi pa ng solon.

Nanawagan din si Teves sa gobyerno na maglagay ng pasilidad na magagamit ng mga sakay ng pribadong eruplano.

“That’s all Mr. Speaker sana lang maturuan ng leksyon itong mga tao na ‘to masyado talaga silang masungit at mayabang pa,” pagtatapos ng kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?