11

May 14, 2021 @ 14:15
By

Solon humirit ng dagdag bakuna para sa CDO

Umapela si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa gobyerno na dagdagan ang bilang ng bakuna na ipadadala sa Cagayan de Oro City sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga nahawa ng COVID-19 sa lugar.

Sumulat na si Rodriguez kina Health Secretary Francisco Duque III at Cabinet Secretary Karlo Nograles para ipabatid ang kanyang apela.

Inilagay ng OCTA Research ang CDO sa ‘area of concern’ matapos na umakyat ng 75% ang kaso ng COVID-19 sa lugar.

Ayon kay Rodriguez naitala sa lungsod ang 71 bagong kaso noong Miyerkoles at 52 kaso noong Huwebes. Umabot na sa 5,500 ang kabuuang kaso sa siyudad.

“In view of this, may I request the IATF to allocate additional vaccines for Cagayan de Oro City on top of its normal allocation. I believe that with the additional Sinovac and AstraZeneca vaccine that arrived in the Philippines, it would not be difficult to allocate additional vaccines for Cagayan de Oro,” sabi ni Rodriguez sa sulat.

Nanawagan din si Rodriguez sa health official ng siyudad na tukuyin kung saan nanggaling ang mga bagong kaso at higpitan ang border control at pagpapatupad ng health protocol.

Nakiusap din siya sa mga residente na makiisa sa kampanya ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?