86
ABANTE bong revilla laya
Sep 1, 2019 @ 14:58
By

Solo parent bigyan ng discount – Revilla

Bukod sa dagdag-benepisyo at pribilehiyo, dapat din umanong bigyan ng diskuwento para sa lahat ng bilihin na may kaugnayan sa pagpapalaki ng isang anak at iba pang kailangan ng mga solong magulang, ayon kay Senador Ramon Bong Revilla Jr.

Sa Senate Bill 951 o An Act Amending Republic Act. No. 8972, sinabi ni Revilla na mayroong 15 milyong solo parent sa bansa kung saan 95 porsiyento sa mga ito ay babae.

Sa ilalim ng panukala, nais nitong magtamasa ang mga solong magulang ng 20 porsiyentong diskuwento sa pagbili ng gatas na pambata, pagkain, food supplements, vitamins at iba pang kahalintulad na pangangailangan na may kaugnayan para mapagaan ang kanilang buhay.

“Hanggang sa pagpapagamot maging pribado man o pampublikong ospital ay iiral ang 20 porsiyentong diskuwento,” sabi ni Revilla.

“Epektibo rin ito sa pagbabayad ng tuition mula kindergarten hanggang makapagtapos ng kolehiyo na ang tanging kailangan lamang ay magkasamang namumuhay ang solo parent at ang anak o mga anak nito,” dagdaga pa ng senador.

Nakasaad din sa panukala na dapat magkaroon ng bagong non-cumulative “parental leave” na hindi hihigit sa pitong working days na may bayad kada taon para sa solo parents na nakapagserbisyo na ng isa’t kalahating taon sa kompanya.

Ang batas na ito ni Revilla ay malaki umanong suporta sa matagal ng adbokasiya ng Department of Social Welfare and Development na maamyendahan ang umiiral na batas na sumusuporta sa solo parenthood.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?