83

Dec 14, 2017 @ 14:36
By

SolGen sa mga kukuwestiyon sa ML extension: Good luck

Ikinalugod ni Solicitor General Jose Calida ang pag-apruba ng Kongreso sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapalawig ng isang taon ang pag-iral ng batas militar sa Mindanao.

Ayon kay Calida, ang pagpayag ng Kongreso sa botong 240-27 ay patunay na mayroong factual basis sa nagaganap na rebelyon sa Mindanao.

“The extension of martial law in the whole of Mindanao, having been approved overwhelmingly by Congress, underscores the factual basis of the on-going rebellion,” saad ni Calida sa kanyang Twitter account.

Para naman sa mga nagbabalak na kuwestiyunin ang muling pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, sinabihan sila ni Calida nang “good luck.”

“To those who intend to challenge the extension of martial law before the Supreme Court, I wish you luck. You’ll need it,” dagdag ni Calida.

Sa joint session kahapon ng Senado at Kamara de Representantes, ipinunto nina Senador Franklin Drilon at Albay Representative Edcel Lagman na walang factual at constitutional bases ang pagpapalawig ng batas militar dahil natapos na naman ang gyera sa Marawi City.

Sa ilalim ng Konstitusyon, sinumang mamamayan ay maaring kwestiyunin sa Korte Suprema kung may sufficient factual basis ang deklarasyon ng Martial Law.

Ang Kataas taasang Hukuman ay mayroon namang 30 araw mula nang maihain ang petisyon para magpalabas ng desisyon.

Nauna nang nagpasya ang Korte Suprema noong Hulyo na ang idineklarang martial law at ang suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao salig sa Proclamation 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may sapat na mga pangyayaring pinagbatayan.

Kumbinsido ang Korte Suprema na may nagaganap na pag-aaklas sa Mindanao at nanganganib ang kaligtasan ng publiko dahilan kaya nito kinatigan ang deklarasyon ng batas militar sa nasabing rehiyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?