71

Oct 26, 2017 @ 16:35

Solano sinayang ang tiyansang maging witness sa Atio case – Lacson

Pinakawalan ni hazing suspect John Paul Solano ang pagkakataon na maging state witness sa pagkamatay ng UST freshman law student na si Horatio “Atio” Castillo III.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, hindi na si Solano ang magagamit na testigo kundi si Marc Anthony Ventura na kapwa miyembro sa Aegis Juris fraternity.

Nagsumite na si Ventura ng sinumpaang salaysay sa Department of Justice (DOJ) kung saan inamin nito ang isinagawa nilang hazing kay Atio at pinangalanan ang lahat ng sumuntok at humataw dito ng paddle.

Ani Lacson, sa lahat ng myembro ng fraternity, si Solano sana ang maaaring testigo dahil ito ang may pinakamaliit na partisipasyon sa sinapit ni Atio.

Sa executive session ng Senado, sinabi ni Solano na hindi siya kasama sa hazing rites. Umano’y tinawagan lamang siya ng mga kapwa frat members para tingnan ang kundisyon ni Atio hanggang dalhin nila ito sa ospital.

“With the tell-all tale of Marc Anthony Ventura as bared by SOJ (Secretary of Justice) Aguirre, John Paul Solano blew all his chances to become a state witness as he would have been the most probable Aegis Juris member to qualify as such,” pahayag ni Lacson.

Si Lacson ang chairman ng senate committee on public order and dangerous drugs na nagsasagawa ng pagdinig ukol sa pagkamatay ni Atio.

Itinakda niya ang ikatlo at maaring huli nang pagdinig kung saan maari umanong iendorso ang mga batas na gagawin o kaya ay aamyendahan upang hindi na maulit ang nangyari kay Atio. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?