88

Oct 24, 2017 @ 18:48

Solano inakusahan ang MPD ng cover-up sa Atio hazing slay

Nakapagsumite na ng kontra salaysalay ang 15 respondent sa kaso ni Horacio “Atio” Castillo III sa pagpapatuloy ng preliminary investigation kahapon.

Kasama sa mga nagsumite ng kontra salaysay sina John Paul Solano, Ralph Trangia, Axel Hipe at iba pang mga myembro ng Aegis Juris Fraternity.

Sa kanyang counter affidavit, pinagbintangan ni Solano ang Manila Police District at ang mga magulang ni Atio ng “cover up” dahil pinagtakpan umano nila ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Atio.

Ang pagkamatay umano ni Atio ay sanhi ng cardiac failure bunsod umano ng kanyang pre-existing heart disease na Hypertrophic Cardiomyopathy (HCM) at hindi dahil sa hazing.

Batay daw kasi mismo sa Medico Legal Report ng MPD, walang naging finding na ang cardiac arrest na ikinamatay ni Atio ay bunsod ng hazing.

At dahil dito, iginiit ni Solano na hindi siya maaring papanagutin sa ilalim ng paglabag sa Anti-Hazing Law.

Lumabas umano sa Medico Legal Report ng MPD na ang puso ni Atio ay “grossly enlarged” o mas malaki kaysa sa normal at ito ay tugma umano sa kanyang pre-existing condition na HCM.

Bilang isang lisensyadong medical technologist, batid umano ni Solano na kung totoo ngang biktima ng hazing si Atio, dapat ay nagtamo ang kanyang kidney ng injury o di kaya ay ng multiple organ failure.

Kaya batay umano sa kanyang interpretasyon, ang pagkamatay ni Atio ay sanhi ng kanyang kundisyon na HCM at hindi dahil sa hazing.

Inakusahan pa ni Solano ang Medico-Legal Officer ng MPD na nagtatangkang mag-cover up o pagtakpan ang katotohanan na walang finding na si Atio ay inatake ng cardiac arrest dahil sa hazing. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?