64

Oct 19, 2017 @ 19:19

Solano, ‘di puwedeng maging state witness

Tutol si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na gawing state witness ang Aegis Juris Fraternity Members na si John Paul Solano sa kaso ng pagpatay kay Horacio Castillo III.

Si Solano ang rumesponde at nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital at sumuko kay Senador Panfilo Lacson makalipas ang ilang araw nang pumutok ang kaso.

Ayon kay Zubiri, lumilitaw na taliwas sa mga naunang pahayag ni Solano na makikipagtulungan sa pagresolba sa kasong pagpatay, ngayon ay isa na ito sa nagtatakip sa insidente.

“Solano now seems to be one as well as promoting the cover up and should no longer be given an opportunity to be state witness,” saad ni Zubiri.

Taliwas naman ito sa pahayag ni Senador Joel Villanueva na nagsabi na kung makikipagtulungan si Solano ay maari siyang gawing testigo subalit kailangan niyang sumunod sa batas.

“Pero sa akin, dapat hindi niya (Solano) payagan na maisantabi ang ebidensyang nakita sa frat library, kasi gagawin din iyon ng ibang akusado,” saad ni Villanueva.

Samantala, inihayag ni Senador Francis “Chiz” Escudero na posibleng maharap sa disbarment ang mga abogadong miyembro ng Aegis Juris na nagtangkang mag-cover up sa krimen.

Sinabi ni Escudero na kasiraan sa law profession ang mga abogadong ito.

Ang iba naman anya ay maaaring mapapanagot sa kaso bilang accessory to the crime at obstruction of justice. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?