15

Jul 31, 2020 @ 12:17
By

‘Sobrang singil sa matrikula iimbestigahan’

Pinasisiyasat ni Senadora Imee Marcos ang walang patid na reklamo ng mga magulang at estudyante hinggil sa sobrang singil ng mga pribadong unibersidad kahit hindi naman akma sa kasalukuyang sitwasyon.

Ayon sa senador, hindi dapat malaki ang gastusin sa online classes at modular lesson kaysa face-to-face education bago ang COVID-19 pandemic.

“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” gsabi ni Marcos.

Sabi pa nito, nakakasa na ang pagdinig ng Senado hinggil dito sa ilalim ng Senate Resolution 480 na kanyang ihahain kapag hindi pa rin umaksyon bago magbukas ang mga klase sa huling bahagi ng Agosto.

Isa sa mga reklamong natanggap ng opisina ni Marcos ay ang pagsingit ng misccellaneous fee sa mga matrikulang babayaran ng mga estudyante sa mga eskwelahan para sa paggamit umano ng classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at mga dental clinic.

Ani Marcos, hindi na magagamit ng karamihan sa mga estudyante ang mga pasilidad ng mga eskwelahan alinsunod sa guidelines na itinakda noong Hunyo pa lamang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat silang manatili sa kanilang mga pamamahay sa panahon ng lahat ng lebel ng community quarantine.

“Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga eskwelahan para lang kumita sa mga serbisyong hindi na nila maibibigay sa mga estudyante. Mas mababa na lang ang dapat bayaran sa mga eskwelahan ng mga magulang,” lahad ng senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?