260

Oct 24, 2017 @ 18:34

Sobrang national, local holidays nakaapekto na sa ekonomiya – Koko

Dapat nang bawasan ang mga national at local holiday sa bansa dahil nakakaapekto na umano ito sa pagnenegosyo, ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Dagdag pa aniya dito ang suspensyon ng trabaho kapag may bagyo o masungit ang panahon na nagbubunsod ng baha, kapag may transport strike at kapag may international event sa bansa gaya ng ika-31 ASEAN Summit.

“I believe that at some point we have to rationalize and limit our national and local holidays because we already lose so many work days a year because of extreme weather phenomena like typhoons,” ayon kay Pimentel.

Kailangan aniya itong gawin kung nais ng bansa na umunlad at makipagkumpetensiya sa mga karating bansa.

“If we want to attract investors and continue to grow our economy, we have to do this if we want to be able to compete with the other developing Asian economies,” sabi pa ng senador.

Kaugnay nito, hinimok ni Pimentel ang Malacanang na, kung wala namang bagyo at hindi regular na holiday, huwag isali sa suspensyon ng pasok sa gobyerno ang check clearing unit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kapag sarado ito, apektado aniya ang maraming pagnenegosyo na tumatanggapn ng tseke o kaya ay nagbabayad gamit ang tseke.

Naapektuhan din umano nito ang Philippine Stock Exchange (PSE) at ang mga bangko.

Maari umanong mahirapan sa pagbiyahe ang mga empleyado sa BSP pero kritikal na lagi itong bukas para hindi maapektuhan ang negosyo.

Inihalimbawa ang suspensyon ng pasok sa mga ahensya ng gobyerno at sa eskwela noong Oktubre 16 at 17 dahil sa jeepney strike.

Ipinaubaya noon sa pribadong sektor ang pasya sa pagsuspinde ng kanilang pasok pero marami ang umangal dahil hindi magawa ang trabaho dahil saradoang check clearing unit ng BSP.

Bukod sa pagnenegosyo, sinabi ni Pimentel na naapektuhan din ang mga kontraktwal na manggagawa na “no work, no pay”. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?