60
Mister na depress, nang-hostage ng bata
By

Sobrang lungkot nang iwanan ni misis: Kelot nang-hostage ng estudyante

Dahil sa problema sa pamilya, hinostage ng 29-anyos na processed meat maker ang isang babaeng estudyante sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ni Police Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District’s (QCPD) Novaliches Police Station (PS-4), ang suspek na si Marlon Abejero Kilkig, processed meat maker, tubong Siaton Dumaguete City at residente ng Liwanag St., Goodwill Homes 2 Subd., Brgy. Bagbag, Novaliches, QC.

Ayon kay Cejas nasa impluwensiya pa ng iligal na droga ang suspek na kasalukuyang nasa kanila nang kustodiya matapos ang isang oras na hostage drama.

Inihahanda na ang kasong attempted homicide, alarm and scandal, at trespass to dwelling na isasampa laban sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-9:35 ng umaga (November 15) ay abala umano ang biktimang si Jochelle Respondo, 18-anyos sa pag-aayos sa kanilang tindahan sa No. 22 Moises St., Goodwill Homes 2, Brgy. Bagbag, Novaliches, nang biglang pasukin ng suspek.

Agad na kinabig ng suspek ang biktima at iniumang sa leeg nito ang may anim na pulgadang kutsilyo saka hinostage sa loob ng tindahan.

Naispatan ito ng mga kapitbahay ng biktima kaya agad na humingi ng saklolo kay Barangay Bagbag Chairman Rex Ambita na mabilis namang nagresponde at tumawag din sa pulisya.

Matapos ang isang oras na negosasyon ay ligtas na napakawalan ng suspek ang estudyante na nagtamo ng sugat sa leeg dahil sa pagkakatutok ng kutsilyo.

Sa pahayag ng biktima, hindi umano niya akalaing gagawin sa kaniya ito ng suspek dahil regular customer niya ito sa kanilang tindahan.

Sinabi naman ng suspek, na kaya lamang niya nagawa ang pangho-hostage ay dahil sa labis na depresyon nang awayin siya ng kaniyang misis at iwanan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?