10

Sep 30, 2020 @ 16:58
By

Sobra sa rice tax ibigay sa mga magsasaka – Pangilinan

Tulad ng mga pasyente ng COVID-19, nangangailangan din ang mga magsasaka ng kagyat na tulong mula sa gobyerno sa panahon ng emergency.

At isang tulong na agad na maibibigay ng gobyerno sa mga magsasaka, ayon kay Senador Francis Pangilinan, ang milyong pisong sobra sa Rice Tarrification Law.

“Ang katumbas ng CPR para sa ating mga naghihingalong magpapalay, lalo na ‘yung nakikisaka lang, ay direct cash assistance,” sabi ni Pangilinan.

“Dusa sila dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay at kawalan ng pagkakataong maghanapbuhay ngayong pandemya,” dagdag nito.

Nitong Hulyo 2020, ang tax collection mula sa Rice Tariffication Law ay umabot na sa P10.728 bilyon. Aniya, P10 bilyon lang ang kailangan para pondohan ang Rice Competitiveness Enhancement Program kaya may sobrang P728 milyon sa nasabing koleksiyon.

“We have an excess collection of P728 million as of July and this should directly benefit the farmers especially in these hard times,” ayon kay Pangilinan.

“We need to get the cash in their hands so they could continue to plant and put food on every Filipino’s table,” dagdag nito.

Sabi ng senador, nanawagan ang mga magsasaka ng tulong sa gobyerno dahil patuloy ang pagbagsak sa presyo ng palay sa kasalukuyan.

Umabot hanggang P12 ang kada kilo ng bigas mula sa P17 hanggang P20 na buying range ng National Food Authority.

Dahil dito, nanawagan si Pangilinan sa Department of Agriculture resolbahin ang problemang ito na maaaring regular nang mangyayari matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law noong nagdaang taon.

Sa nasabing batas, binuksan ang merkado ng bansa para sa unlimited na rice import na may mataas na tax rate. Noong nagdaang taon, ang Pilipinas ang world’s top importer ng bigas kung saan naunahan pa nito ang China.

“Hindi pwedeng gutom ang nagpapakain sa atin. Kailangan silang matulungang magpakain sa ating lahat,” sabi pa ni Pangilinan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?