284

Nov 8, 2017 @ 15:17
By

Snatcher, bugbog-sarado sa tambay

Nasakote ang isang snatcher matapos manghablot ng cellphone sa loob ng jeep nang pagtulungang hulihin ng mga nakaistambay sa Ortigas Avenue, Pasig City kamakalawa.

Bugbog-sarado sa mga tambay ang suspek na si Melchor Sijera Jr., nasa hustong gulang at residente ng Pasig City, matapos ireklamo ng biktima na si Donna May Gojar y Hapin, sales coordinator at residente ng San Juan City.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-10:00 kamakalawa ng umaga sa kahabaan ng Ortigas Ave. Ext., Barangay Rosario, Pasig City.

Ayon sa biktima, nasa loob siya ng pampasaherong jeep nang biglang agawin ng suspek ang kanyang Samsung cellphone. Agad itong bumaba at nagsisigaw kaya sumaklolo ang ilang kalalakihan at nasakote ang suspek.

Agad na nadala sa presinto si Sijera nang dumaan ang mobile patrol ng pulisya at kasalukuyan nang nakakulong sa Pasig detention cell habang inihahanda ang kaso laban sa kanya. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?