31
sister-fox
Oct 26, 2018 @ 13:30
By

Sister Fox temporary visitor sa bagong visa

Ibinaba ng Bureau of Immigration (BI) ang missionary visa ng Australyanong madre na si Sister Patricia Fox, sa temporary visitor’s visa.

Sa kautusan na may petsang October 24, 2018, si Sister Pat ay binigyan ng temporary visitor’s visa na may 59 na araw na bisa.

“Downgrading reverted her status to a temporary visitor, and she is given 59 days from the day her missionary visa expired, which was September 5,” paliwanag ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval.

Ginawa ang pag-downgrade matapos na ibasura ng BI ang pagpapalawig sa kanyang missionary visa.

Nauna nang nagpalabas ang BI ng deportation order laban kay Sister Pat pero iniapela niya ito sa Department of Justice (DOJ).

Pero paglilinaw ni Sandoval, ang pagpapalabas ng temporary visitor’s visa para kay Fox ay walang epekto sa magiging resolusyon ng DOJ sa kanyang apela kaugnay ng deportation order.

Partikular na inaakusahan si Sister Pat ng paglabag sa Section 37 ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makilahok sa alinmang politikal na aktibidad sa Pilipinas.

Pero sa kanyang kontra-salaysay, bagama’t inamin ni Sister Pat na siya ay sumali sa mga rally at pagtitipon ng mga magsasaka at ng mga manggagawa, ito ay bahagi ng kanyang missionary work.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?