55

Sep 3, 2018 @ 18:10
By

Sister Fox handang ilaban ang kaso ng deportation hanggang Korte Suprema

Pormal nang umapela ang Australyanong madre na si Sister Patricia Fox sa Department of Justice (DOJ) para payagan siyang manatili sa bansa.

Ang petition for review ay isinumite ni Sister Pat sa hangad na mabaligtad ang ginawang pagbasura ng Bureau of Immigration (BI) sa kanyang motion for reconsideration kung saan iniuutos na ng kawanihan ang pagpapa-deport sa kanya.

Kasabay nito, naghain din si Sister Fox ng tourist visa sa BI alinsunod sa pahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra noong August 31, 2018.

Humihirit din si Sister Pat ng dayalogo kay Guevarra.

“The Bureau of Immigration has prejudged the case and based its decision mainly on the statement of the President, not on the merits of the case,” saad ni Sister Pat.

Sakaling hindi mapaburan ng DOJ, handa umano ang dayuhang madre na ilaban ang kanyang kaso hanggang sa Korte Suprema.

Nakatakda nang magpaso ang missionary visa ni Sister Pat sa September 5.

Sa kautusan ng BI, idineklara ng ahensya na “undesirable alien” si Sister Pat dahil sa pagsali sa mga political activity sa Pilipinas.

Gayunman, hanggang maging pinal ang deportation order ay maari umanong manatili pa rin sa Pilipinas si Sister Pat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?