4
sisterfox
By

Sister Fox dudulog sa SC kung hindi papaboran ng BI

Sharing is caring!

Determinado ang kampo ni Sister Patricia Fox na iakyat hanggang sa Korte Suprema ang kaso ng Australyanong madre sakaling magdesisyon ang Bureau of Immigration (BI) na ibasura ang kanyang counter-affidavit at ituloy ang pagpapadeport sa kanya.

Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abugado ni Sister Pat, maghahain sila ng petisyon sa Korte Suprema at hihingi ng temporary restraining order para maharang ang pinangangambahang pagpapadeport sa dayuhang madre.

Kasama na rin sa kanilang kukuwestiyunin ang ginawang pagkansela ng BI sa missionary visa ni Sister Pat na mangangahulugan na sa loob ng ilang linggo ay kailangan na niyang umalis ng Pilipinas dahil tourist visa na lamang ang kanyang pinanghahawakan.

Naninindigan ang kampo ni Sister Pat na ang pagkansela sa missionary visa ng madre ay paglabag sa kanyang karapatan sa due process.

Partikular na inaakusahan si Sister Pat ng paglabag sa Section 37 ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makilahok sa alinmang politikal na aktibidad sa Pilipinas.

Pero sa kanyang kontra-salaysay, bagamat inamin ni Sister Pat na siya ay sumali sa mga rally at pagtitipon ng mga magsasaka at ng mga manggagawa, ito ay bahagi ng kanyang missionary work.

Giit pa ni Sister Pat, ang Bill of Rights sa 1987 Constitution na kumikilala sa freedom of religion, freedom of speech at freedom of expression ay hindi lamang limitado sa mga Pilipino kundi ipinaiiral din sa mga dayuhan sang-ayon sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?