674

Mar 23, 2019 @ 16:45
By

Sison ginagawang gatasan ang peace process – Panelo

Inihalintulad ng Malacañang sa isang alingawngaw si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison dahil sa paulit-ulit na kritisismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng pahayag ni Sison na mistulang sirang plaka ang Pangulo matapos ihayag ang permanenteng terminasyon ng peace talks sa kilusang komunista.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ginagamit lamang ni Sison ang pagbanat sa Duterte administration para magkaroon ito ng saysay habang nagpapasarap sa buhay sa Europa.

Nais aniya ni Sison na pahabain ang peace process para magpatuloy ang pananatili sa The Netherlands at magpasasa sa mga donasyon at tulong na ibinibigay ng ibang bansa sa kanilang grupo.

“Jose Maria Sison is a case of the pot calling the kettle black, who has prolonged the peace process so he can milk the situation and continue freeloading in the Netherlands as well as enjoying the donations and grants by socialist organizations to his group,” ani Panelo.

Pinarunggitan din ng Palasyo ang nakalipas na administrasyon dahil walang nagawa ito para makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.

Bagama’t tinuldukan na ni Pangulong Duterte ang peace talks sa grupo ni Sison, sinabi ni Panelo na susubukan nila ang ibang paraan para magkaroon ng kapayapaan sa bansa, sa pamamagitan ng localized peace talks.

Nakikita aniya ng gobyerno na walang kontrol si Sison sa mga komunista lalo na ang puwersang nasa mga kabundukan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?