47

Jan 3, 2018 @ 16:14
By

Sisibaking opisyal ni Duterte, hindi sa PCSO – Roque

Hindi opisyal mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakalinyang sibakin sa puwesto.

Ito ang nilinaw kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ipagpaliban ang pag-anunsiyo sa sisibaking presidential appointee.

Ayon kay Roque, bagamat nakarating na sa Pangulo ang kontrobersiya sa PCSO kaugnay sa magarbong christmas party, tinitimbang pa aniya ng Presidente ang paliwanag ng mga opisyal ng ahensiya.

“I can make the confirmation that the official who I was tasked to announce and may belatedly told to hold in abeyance is not from PCSO,” ani Roque.

Simula Lunes ay maraming ispekulasyon ang lumutang kung sino ang sisibakin ni Duterte dahil tumangging pangalanan agad ni Roque ang ipinasisibak na opisyal.

Sinabi ni Roque na nire-review ni Pangulong Duterte ang legislative charter ng ahensiyang hinahawakan ng sisibaking presidential appointee kaya pinigil muna ang pag-anunsiyo dito.

“When I inquired from PMS, what they said was they gave the President a copy of the legislative charter of the agency headed by the officer. And the President was reviewing the legislative charter of that agency,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na kung siya ang masusunod ay mas mainam na magkaroon muna ng papel bago ianunsiyo ang mga sisibaking opisyal sa gobyerno. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?