19

Feb 26, 2021 @ 17:09
By

Siquijor bubuksan na sa turista

Nalalapit nang makapamasyal ang mga turista sa tinaguriang “Healing Island” ng Pilipinas.

Sa ulat, sinabi ni Siquijor Gov. Zaldy Villa, na naghahanda na ang provincial government para muling buksan ang lalawigan sa mga turista “as early as next month” para sa popular nilang “Healing Festival” na kasabay ng Mahal na Araw.

Noong Miyerkoles ay binisita ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat ang isla upang talakayin sa mga local official at negosyante ang mga patnubay na ipatutupad sakaling tumanggap na ang Siquijor ng mga bisita.

Sinabi ni Villa, kabilang sa requirements ang pagpapakita ng mga turista ng negatibong resulta ng swab test, o rapid antigen test; travel authority mula sa local government unit at kumpirmadong booking mula sa mga kinikilalang accommodation establishment ng Department of Tourism.

Samantala, binigyang-diin ni Puyat ang layunin ng departamento na palakasin ang domestic tourism sa Siquijor ngayong taon sa pamamagitan ng pagtulong sa probinsya sa promotional branding campaign, pagpopondo ng digital na bersyon ng “Healing Festival”, patuloy na pagpapatupad ng mga public health at safety protocol, pagpapaunlad ng mga produktong turismo at pagpapahusay ng mga ruta ng turismo na nagtatampok ng pagsasaka, diving at ecotourism.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?