24

Feb 24, 2021 @ 20:29
By

Sinovac vaccine darating na – Roque

Inaasahan ng Malacañang na darating sa loob ng linggong ito ang Sinovac vaccine mula sa China matapos mabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos hindi dumating noong February 23 ang bakuna na aniya ay nakaukit na sa bato ang petsa ng pagdating subalit hindi naman nangyari.

Ayon kay Roque, mismong taga-Sinovac Biochem na ang nagkumpirma na inaayos na ang mga dokumento para maipadala ang mga bakuna sa bansa sa lalong madaling panahon.

“Inaasahan natin na bago matapos ang buwan na ito, sa Linggo ay narito na ang Sinovac dahil ang pangako po ng gobyerno ng Tsina, three to five days matapos mabigyan ng EUA ay makakarating na ang bakuna rito,” ani Roque.

Muling binigyang-diin ni Roque na ligtas gamitin ang Sinovac dahil ito rin ang ginamit ng ilang lider ng bansa gaya ng Turkey, Indonesia, Hong Kong at Colombia.

Sinabi ng kalihim na mabisa rin ang Sinovac laban sa UK at South African variants kaya magagamit itong panlaban sa mga bagong COVID variant.

“Na-test na rin po ang Sinovac sa UK at South African variants, at lumalabas na epektibo po ito laban sa bagong variants,” dagdag ni Roque.

Ipinaliwanag naman ni Helen Yang, Sinovac Biochem General Manager Hong Kong, na kaya mababa ang efficacy rate ng kanilang bakuna sa health workers na ginawa sa Brazil ay sa dahilang kasama sa clinical trial ang mga health worker na na-expose sa mga pasyenteng may COVID-19.

Pero sa mga ordinaryong mamamayan na hindi na-expose sa COVID patient ay 91% ang efficacy rate ng bakuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?