12

Apr 7, 2021 @ 16:33
By

Sinovac inirekomenda nang gamitin sa mga senior citizen

Nagbigay ng go signal ang vaccine expert panel (VEP) sa Food and Drug Administration (FDA) para gamitin ang Sinovac vaccine sa mga senior citizen.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Dr. Nina Gloriani na nakapagsumite na sila ng rekomendasyon sa FDA at nakausap na rin niya si Director General Eric Domingo.

“Ang vaccine expert panel po ay nakapagrekomenda na puwede siyang gamitin for senior citizens. So ang alam ko ay maglalabas na rin soon ang FDA ng announcement about this,” ani Gloriani.

Sa kasalukuyan, ang Sinovac vaccine ay inirekomenda lamang sa mga edad 18-59.

Sinabi ni Gloriani na napag-aralan na nila ang Sinovac vaccine at maganda ang safety profile ng bakuna at nagkaroon lamang aniya ng isyu sa mababang efficacy dahil kakaunti ang sumali sa clinical trial nito sa Brazil.

“Ngayon siguro ang pinakanaging issue noon ay iyong efficacy niya na medyo mababa kasi nga kulang pa po iyong taong nag-participate doon sa trial. Pero ang maganda doon sa datos na nakita namin ay nakakaprotekta din siya sa mga – matatanda ha, na hindi sila nagkaroon ng severe COVID,” dagdag ni Gloriani.

Kinumpirma naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na inirekomenda ng VEP ang paggamit ng Sinovac vaccine sa mga senior citizen.

Umaasa aniya ang Malacañang na makakatulong ang desisyon ng VEP para matugunan ang pagbibigay proteksiyon sa mga senior citizen lalo na at limitado ang supply ng bakuna sa buong mundo.

“We confirm that the vaccine expert panel has recommended the use of Sinovac vaccine for the elderly/senior citizens,” ani Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?