102

Oct 2, 2017 @ 13:50

Sinong idol mo?

By REY MARFIL

Aminin man o hindi, lahat tayo ay may hinaha­ngaan o iniidolo — mga taong naka-impluwensiya sa ating personal o propesyunal na buhay. Artista man siya, politiko, kilalang personalidad o kahit karaniwang tao na pakalat-kalat sa social media.

Gaya ko, mayroon din akong iniidolo; mula pagkagising sa umaga at pag-uwi sa eskuwela, iisang boses lang ang aking pinapakinggan pagbabalita. May pagkakataong pupugak-pugak ang baterya, halos idikit ang tainga makapakinig lang ng balita.

Bagaman nalinya ako sa pagsusulat ng balita o reporter sa pahayagan, isang alamat sa radyo o broadcaster ang masasabihan ko nang, “‘Pag laki ko, gusto kong maging siya.”

Ako’y nagmula sa bulubunduking bayan ng marmol — sa Baranggay Agnipa, Romblon, Romblon pero alam n’yo bang hango sa taong ito ang palayaw ko na mismong sa bibig ng nanay ko unang narinig ito — ‘yun daw ang tawag ng mga kapit-bahay namin dahil mas nauuna pa akong mag-report.

Kung ngayong panahon nangyari na nagsisimula ko na siyang idolohin at estu­dyante pa ako, ang sasabihin ko sa harap niya, “How to be you po?” ‘Di ba pang-millennial ang dating?

Kaya mula sa probinsya namin, nag-aral at nakapagtapos ako ng masscom sa Lyceum of the Philippines, ngayo’y LPU dahil gina­wang unibersidad. Nang nag-OJT ako, sa pinapasukang radio station ni Idol ako nag-training noon. Nang una kong makita nang personal si Idol, parang gusto ko siyang sabitan ng sampaguita. Ganun ko siya ka-idol.

Dahil nasa radyo ang idol ko, nag-radyo rin ako nang magsimulang magtrabaho sa DWOO station. Pero iba yata ang plano sa akin ni Big Boss sa itaas, baka ayaw niyang maging kakumpitensiya ko si Idol (joke lang eto). Nalipat ako sa pagiging reporter sa pahayagang Abante. And the rest is history, sabi nga.

Pero kahit hindi ko direktang tinahak ang landas ng taong ito, masaya na rin ako. Hindi ko marara­ting kung nasaan man ako ngayon sa industriya ng pag-uulat kung hindi dahil sa naging impluwensiya niya sa akin sa mabuting paraan.

Tulad kasi ng taong ito, nagsimula rin ako sa unang baytang ng industriya. Pero sadyang iba si Idol, accounting ang tinapos niya pero nag-broadcaster siya dahil ito ang talagang gusto niya. Nagsimula rin siya bilang reporter, nalipat sa iba’t ibang radio station, hanggang sa isang dating walang-wala at naranasang matulog noong kabataan niya sa Luneta, naging vice president ng radio station na kinabibilangan niya ngayon.

Dahil sa husay at dedikasyon niya sa pinili niya at minahal na propesyon, nakuha niya ang paghanga at respeto ng maraming tao, pati na ang mga politiko at mga lider ng ating bansa dahil sa mahabang dekada ng kaniyang pagiging broadkaster. Alamat siya sa broadcasting at tiyak akong walang kokontra dito.

Nasabi niya noon sa isang panayam kung gaano kahabang oras ang ginugugol niya sa pagtatrabaho na nagsisimula sa alas-tres ng madaling-araw at natatapos sa gabi. Kaya naman hindi kataka-taka nang mapanood ko siyang lumuha sa isang TV interview at nabanggit niya na sana ay nakapaglaan siya ng mas maraming oras sa kaniyang mga anak noong mga bata pa ito.

Doon, lalo kong hinangaan ang taong ito. Nakita ko na hindi lang sa kaniyang propesyon dedicated kung hindi maging sa kaniyang pamilya.

Pero mula nang pasukin ko ang mundo ng pamamahayag, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap siya o masabi ko sa kaniya kung gaano ko siya hinahangaan. Ilang taon na ang nakalilipas nang huli ko siyang makita sa isang pagtitipon pero hindi ko pa rin nasabi sa kaniya na “Idol kita”. At hindi ko na masasabi iyon sa kaniya… dahil wala na siya, wala na si Idol.

May isa akong nabasa na nagsabing hindi mahalaga kung gaano kahaba kang nabuhay kung hindi kung papaano ka namuhay. Tama, at isama na natin diyan ang kahalagahan ng buhay kung papaano ka nakaimpluwensiya sa ibang tao sa mabuting paraan, na siyang ginawa ni idol para sa akin.

Kaya salamat at paalam sa iyo, idol kong si Joe Taruc.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?