124

By

Sinita sa inuman, mister ginulpi si misis

Sharing is caring!

“Kinaladkad, sinapak at kinagat pa”, ito ang isinumbong ng isang 16-anyos na babae matapos saktan ng kanyang kinakasama makaraang awatin nito ang maghapong paglalasing ng huli kamakalawa sa Marikina City.

Kulungan ang bagsak ni Regie Bayod y Bendijo, nasa hustong gulang at residente ng Apitong St., Barangay Marikina Heights, Marikina City at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9262 o violence against women and children.

Batay sa report, naganap ang pananakit alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang awatin na ng biktima na si Christine Sotero y Badiola ang live-in partner na umano’y umaga pa lang ay nag-iinom na sa labas ng kanilang bahay na sakop ng Barangay Marikina Heights.

Ayon sa biktima, ilang beses na niyang pinauuwi ang suspek pero hindi pa rin natitinag hanggang sa sumigaw na ito na aminado naman siya na tila napahiya ang kinakasama.

Nagulat ito nang bigla siyang kinaladkad ng suspek palayo sa kanilang iniinuman, sinuntok sa sikmura at kinagat pa sa kanang bahagi ng kanyang braso.

Inawat sila ng mga nagrespondeng barangay tanod subalit desidido ang biktima na magsampa ng kaso upang matauhan umano ang suspek sa pananakit sa kanya. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?