242

Mar 4, 2020 @ 19:17
By

Sinibak sa radio show! Jobert Sucaldito kinasuhan ang dzMM, ABS-CBN

Pormal nang naghain ng reklamo sa Department of Labor and Employment ang showbiz columnist na si Jobert Sucaldito ukol sa pag-suspende ng kanyang kontrata sa dzMM, at hindi na pinapapasok sa kanyang radio show.

Ito’y ukol sa nasabi nito noong kanilang January 6 episode ng ‘Showbuzz’ sa dzMM na sana’y tumalon na lang umano sa building si Nadine Lustre noong pumutok ang isyu ng breakup nila ni James Reid.

Sa pahayag ni Jobert ay pinagtanggol nito ang kapwa showbiz columnist na si Ricky Lo matapos na itanggi ni Nadine na hiwalay sila ni James.

“Di kami ang may pakulo ng lahat ng ito. Wala kaming alam sa buhay ng mga idols ninyo. Sila ang naggawa-gawa ng mga kwento na mali namin ay pinatulan namin. Di ba? Kaya lumaki at medyo napag-uusapan. Di ba yun naman ang gusto nila? Kuno kuno may mga labas ang pwet, naka-T-back pa dun sa building tapos may nakalagay na mga caption na mga parang gustong tumalon. Sana tumalon na lang kung ganun din naman pala,” wika ni Jobert.

Ayon kay Jobert, lahat ay ginawa niya matapos siyang magkamali sa programa, kaagad na nag-sorry kay Nadine at sa mga JaDine fan noong January 7, kahit pa tingin ng showbiz reporter ay hindi naman niya prinomote ang suicide sa mga nasabi.

Pinatawag umano siya ni ABS-CBN Integrated News & Current Affairs Head Ging Reyes para mag-sorry, at kinabukasan ay pinabura naman sa kanya ang post tungkol sa sinabi niya kay Nadine na huwag masyadong maangas dahil hindi ito maganda para sa isang artist.

Dito na umano siya pinatawag ng kanilang station manager na si Marah Capuyan kung saan binigyan siya ng papel na pinapapirma sa kanya ukol sa suspensyon ng kanyang kontrata.

Nabigla si Jobert at hindi pinirmahan ang suspensyon ng kontrata, lalo pa’t kinabukasan ay hindi na rin ito pinapasok sa kanyang programa.

“Mali ito anong mangyayari sa akin kasi I’ve been working for ABS for 20 years, 17 years of which I was with dzMM, tapos ganyan-ganyan lang sisipain niyo ko because of that cause, yung mga fan na nagrereklamo?”ayon kay Jobert. “Asan ang mga puso niyo? Tatanggalan niyo ko ng trabaho?”

Dito na siya dumulog kay Atty. Ferdie Topacio para kumonsulta, at nagbigay sila ng liham sa ABS-CBN para maibalik sa kanyang program si Sucaldito sa loob ng 10 araw at kung hindi ay gagawa sila ng aksyon.

“Kapamilya tayo dapat may unting puso… Kami we worked so hard. Lahat tayo gumagawa ng paraan para mapa-sizzle yung programs natin, para mag-rate tayo, para kumita ang mga istasyon natin. Pero we are not perfect, may mga pagkakataon na sumasablay ka,” ayon pa kay Jobert, na sana’y warning o ibang parusa lang ang binigay sa kanya.

Ayon kay Topacio, ang indefinite suspension ay parang constructive dismissal dahil hindi alam ng sinuspende kung kailan siya makakabalik o kung ibabalik pa sa programa.

Hindi rin umano makalipat ng ibang network si Jobert dahil pinapahalagahan niya ang kontrata sa ABS-CBN, na kaka-renew lang noong Enero.

Nakukulangan din si Sucaldito sa dahilan ni station manager Capuyan, na ang tanging binibigay lang sa kanyang rason ay iniimbestigahan umano ng ethics committee kaya’t sususpendihin ang kanyang kontrata.

“Ano ba kasalanan ko sa inyo? Nagtrabaho naman ako. Kung may pagkakamali, tapikin mo, pagsabihan mo, bigyan mo ng chance,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?