48

Mar 12, 2020 @ 16:30
By

Singil ng Manila Water bababa, Maynilad tataas

Bababa ang singil ng tubig sa service area ng Manila Water samantalang magmamahal naman ang singil ng Maynilad.

Simula Abril ay bababa ng 21 sentimos per cubic meter ang singil ng Manila Water ng mga Ayala at ni Ricky Razon habang magtataas naman ng limang sentimos per cubic meter ang Maynilad ng mga Consunji at ni Manny V. Pangilinan, sabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Huwebes.

Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty, ang adjustments sa singil ng Manila Water at Maynilad ay bahagi ng quarterly foreign currency differential adjustment (FCDA), isang mekanismo kung saan tinataas o binababa ang singil base sa paggalaw ng piso laban sa dolyar, yen, euro at iba pang foreign currency.

Ang mekanismo na ito ay inilagay dahil malaki ang foreign debt na pinaako sa Manila Water at Maynilad ng MWSS nang mag-privatize ito ng operasyon nung 1997.

Exempted sa pagbabayad ng FCDA ang mga mahihirap o ‘yung tinatawag na lifeline customer.

Sabi ni Ty, P1.11 ang mababawas sa bill ng mga tahanang kumokonsumo ng 10 cubic meters pababa sa service area ng Manila Water.

Bababa naman ng P2.46 ang bill ng mga tahanan na ang konsumo ay 20 cubic meters at P5.02 para sa mga tahanang nasa 30 cubic meters ang konsumo.

Manila Water ang nagpapalakad ng tubig sa Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig at Marikina kasama na ang ilang lugar sa Quezon City. Kasama din sa concession area ng Manila Water ang Sta. Ana at San Andres sa Manila at ang probinsiya ng Rizal kasama ang Antipolo, Taytay, San Mateo, Rodriguez, Cainta, Teresa, Angono, Baras, Binangonan at Jala-jala.

Para sa mga customer naman ng Maynilad, sinabi ni Ty, na magmamahal ng 18 sentimos ang bill ng mga kumokonsumo ng 10 cubic meters pababa.

Tataas naman ng 69 sentimos ang bill ng mga kumokonsumo ng 20 cubic meters at P1.40 naman ang taas sa bill ng mga tahanan na ang konsumo ay nasa 30 cubic meters.

Maynilad ang nagseserbisyo sa malaking bahagi ng Maynila, sa northern at western Quezon City, sa Western Makati, sa Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Valenzuela, Muntinlupa, Malabon, Meycauayan at Obando sa Bulacan, at Cavite City, Bacoor, Imus, Kawi, Noveleta at Rosario sa Cavite.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?