142

Sep 1, 2019 @ 17:58
By

Singhutan ng shabu sa loob ng trak, 3 timbog

Singhot muna bago mamasada. Ganito umano ang ginawa ng naarestong dalawang truck driver at isang delivery helper matapos mabuking sa kanilang pot session sa loob ng trak, Sabado, Agosto 31, sa Barangay Manggahan, Pasig City.

Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director PBGen. Johnson C. Almazan, nakilala ang mga naarestong suspek na sina Ferdinand Tan at Darwin Molina, mga truck driver, at Vergel Rada, delivery helper.

Inaresto ang tatlong suspek bandang alas-diyes ng gabi sa loob ng Jentec Storage compound sa nasabing barangay matapos makatanggap ng tawag ang mga tauhan ng station drug enforcement unit na may nagaganap na pot session sa lugar.

Karamihan umano sa mga driver ng trak ay gumagamit muna ng droga bago bumiyahe ng mahahabang oras patungo sa mga destinasyon sa probinsya na paghahatiran ng kargang produkto.

Agad na dinampot ang tatlong suspek matapos maaktuhang nagpa-pot session sa loob ng trak, at nakumpiska umano ang isang sachet na naglalaman ng shabu at mga shabu paraphernalia.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?