25

Oct 14, 2021 @ 16:08
By

Sinehan binuksan pero eskuwelahan sarado pa rin

“Ironic.”

Ito ang naging reaksyon ni House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa pagbubukas ng mga sinehan sa National Capital Region (NCR) habang manatiling sarado ang mga eskuwelahan.

Sinabi ni Castro na dapat maging seryoso ang pagtingin ng gobyerno sa pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes.

“Dapat seryosohin ang pagbubukas ng face to face classes on a limited time and number of students at voluntary,” sabi ni Castro.

Ayon naman kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor dapat maging malinaw ang guidelines kaugnay ng pagbubukas ng mga sinehan.

“Marami pa ang naguguluhan sa mga pronouncements,” sabi Defensor.

Kabilang umano sa mga dapat na linawin kung sinu-sino ang maaaring manood ng sine.

Mayroon umanong impresyon na dahil bubuksan na ang mga sinehan ay pwede nang manood ang mga bata samantalang hindi sila pinapapasok sa eskuwelahan.

Ayon sa Inter-Agency Task Force (IAFT) for the Management of Emerging Infectious Diseases papayagan ng magbukas ang mga sinehan bagamat limitado lamang ang operasyon sa 30% ng kanilang kapasidad sa ilalim ng Alert Level 3 na ipatutupad sa Metro Manila simula sa Sabado.

Ipinagbabawal naman ang face-to-face o in-person classes sa basic education o mula pre-school hanggang high school maliban na lamang sa mga paaralan na binigyan ng pahintulot ng IATF o Office of the President. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?