328

Nov 2, 2017 @ 20:02

Sindikato ng ‘Ecstasy’ nalansag: Fil-Am leader, 5 pa timbog

Nabuwag ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Services ang nagpapakalat ng Ecstasy sa kilalang unibersidad at colleges matapos na salakayin ang isang condominium na front ng drug den at ginagawa ring laboratoryo ng mga ipinagbabawal na droga.

Dito naaresto ang anim na katao kabilang ang Fil-American na siyang utak ng sindikato sa Mandaluyong City nitong madaling-araw ng Nobyembre 1, 2017.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang naaresto at umano’y utak ng sindikato na si Dennis Ray Aguilar Thieke, 37-anyos, na siyang umookupa ng condominium sa Unit 2104, 21st floor, Eugenia Tower, Tivoli Garden Residence Coronado St., Barangay Hulo ng nasabing siyudad.

Dakong alas-5:45 ng madaling-araw nang salakayin ang nasabing condo. Arestado rin ang mga umano’y kliyente nito na naabutan sa loob ng condo na sina Dianh Carlo Lescano Malayo, 25-anyos; Belinda Morrison, 25, college graduate; Ian Micthelle Custorio, 31, project manager; Ymmanuel Orfelia Parada, 26, tattoo artist at Pancrasio Masinsin Parada, 53, karpintero.

Nakumpiska mula sa condo unit ni Thieke ang 12 gramo ng shabu, 36 tableta at siyam na capsule ng ecstacy, 13 na iba’t ibang botelya na naglalaman ng liquid ecstacy, limang sachet ng cocaine, pinatuyong dahon ng marijuana, isang bote na naglalaman ng dangerous chemical, isang M4 na baril na may dalawang magazine, mga bala at paraphernalia.

Si Thieke ay mahaharap sa kasong Maintenance of Drug Den, Manufacture of Dangerous Drugs, Possession of Dangerous Drug and Drug Paraphernalia habang sina Malayo, Morrison, Custurio at Paradas ay mahaharap sa paglabag sa Section 7 ng anti-drug law bunsod na rin sa pagbisita ng mga ito sa drug den.

Kaugnay nito, dinakip ng PDEA sina Engineer Felisimo Aguilar Jr., 54, at Daniel Cajape, 32, barangay kagawad ng Brgy. Pag-Asa, Dinalupihan, Bataan makaraang tangkain na suhulan ng dalawa ng P1 milyon ang mga operatiba kapalit ng kalayaan ng mga naaresto sa drug den.

Nabatid na ang mga nakumpiskang ecstacy na tinaguriang ‘party drugs’ ay sa mga universities at colleges ibinebenta, at sa isang patak lang ng liquid nito sa inumin ay makakaramdam na umano ang makakainom ng init sa katawan hanggang sa maghanap na ito ng ka-sex.

“Ang magiging epekto nito sa katawan ay sexual arousal at memory lost, kaya kahit reypin ang isang babae, kinabukasan ay hindi na niya matatandaan pa ito. Ang mga kliyente nila ay mga magagandang estudyante at celebrities. Kumbaga isang patak, wasak ang pagkababae mo,” dagdag pa ng PDEA chief. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?