53

Oct 22, 2017 @ 16:16

Sinalanta ng bagyong Paolo, tinututukan ng Palasyo

Itinanggi ng Malacañang na walang ginawang aksiyon ang gobyerno sa mga nasalanta ng bagyong Paolo sa Zamboanga City at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil nakatutok ang atensiyon sa Marawi City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi pinabayaan ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Paolo nitong nakalipas na linggo dahil agad aniyang kumilos ang mga ahensiya ng gobyerno.

Sa katatapos na bagyo ay 13 ang naiulat na namatay dahil sa flashfloods na idinulot ng bagyo at nagdeklara ang Zamboanga City ng state of calamity.

Sinabi naman ni Office of Civil Defense Assistant Secretary Kristoffer James Purisima,  batid nila ang sitwasyon sa mga lugar na dinaanan ng bagyong Paolo at  kaya aniya ng mga tanggapan nila sa rehiyon ang sitwasyon katulong ang mga local government units.

Ayo  pa kay Purisima,nakahandang umalalay ang national government kung may pangangailangan .

“On the part of OCD and NDRRMC, we’re aware of these situations. The feedback that we’re getting is that our regional offices and local government units are capable of addressing the issues,” ang pahayag ni Purisima.

Ang pananalasa ng bagyong Paolo ay nataon sa mga panahong napatay na ng mga sundalo ang mga lider na lumusob sa Marawi City kasabay ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng liberasyon ng lungsod kayat hindi masyadong napansin ang pananalasa ng kalamidad sa Zamboanga City. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?