287
Sinagip ng anghel! Batang nakulong sa sunog, himalang nakaligtas
By

Sinagip ng anghel! Batang nakulong sa sunog, himalang nakaligtas

Napalitan ng labis na tuwa ang matinding hinagpis ng pamilya ng 4 na taong gulang na babae makaraang matagpuan itong buhay na unang inakalang namatay matapos na makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay Quezon City Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez, himalang nakaligtas si Precious Tabuena sa natupok nilang tahanan sa No. 51 14th Ave., Brgy. Socorro dakong alas-nuwebe ng gabi (Pebrero 12).

Nang maapula ang apoy ay hinanap ng mga bumbero at lola Lita Rose ang kaniyang apo na si Precious na umano’y nakulong sa nasunog nilang tahanan subalit hindi nila ito nakita.

Hindi naman sumuko sa paghahanap ang lolo ng bata na si Carlo Flores at makalipas ang apat na oras ay narinig niya ang boses ng kaniyang apo na tinatawag umano siya hanggang matagpuan niyang nakasiksik ito sa pader na buhay na buhay.

Agad na dinampot ni lolo Carlo ang apo na tanging mga galos lamang at bahagyang paso sa katawan ang tinamo at isinugod sa pagamutan.

Ayon naman sa tiyahin ng biktima na si Carla Flores, posibleng iniligtas ang bata ng kanyang “kalaro”.

Aniya, lagi niyang napapansin si Precious na nagsasalita kahit wala itong kausap at ang sinasabi niyang “kalaro” ng bata ay ang kanyang “guardian angels”.

Nabatid na ang sunog ay nagsimula sa natumbang kandila dahil isang buwan na umanong walang suplay ng kuryente ang pamilya ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?