453

Dec 26, 2019 @ 19:36
By

Sinabotahe? May-ari ng ‘killer lambanog’ nagsalita na!

Nagsalita ang mga may-ari ng mga tindahan at pagawaan ng lambanog na ikinamatay ng 15 katao sa Laguna at Quezon province.

Humingi sila ng paumanhin sa mga nabiktima pero anila, hindi nakalalason ang kanilang lambanog.

Sa 24 Oras report nitong Huwebes, giniit ni Emma Ocaya, na hindi siya masamang tao at sa abot ng kaniyang makakaya ay tutulong siya sa gagawing pag-iimbestiga at sa mga biktima.

Humingi rin ng tawad si Nicanor delos Reyes pero aniya, sa tagal na niyang nagtitinda ng lambanog, ngayon lang nangyari ang nabanggit na trahedya.

Ayon kina Ocaya at Delos Reyes, iisa lang ang pinagkunan nila ng tinaguriang “killer lambanog”, si Alfredo Rey, na manufacturer ng Rey’s Lambanog.

Giit ni Rey, limang dekada na siya sa kanyang negosyo kaya tinitiyak niyang walang halong kemikal ang produkto niya.

Gawa aniya ito sa purong niyog at dumaan sa natural na proseso.

Hinala ng kampo ni Rey, may sumabotahe sa kanya na kalaban nila sa negosyo.

Sa ngayon ay tigil-operasyon ang pagawaan at hindi pa batid kung kailan ito makakabalik.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?