1,797

Dec 12, 2017 @ 15:14
By

Simbang Gabi, paano nagsimula?

Alam mo bang ang Simbang Gabi ay isang kinaugaliang pagdaraos ng misa tuwing panahon ng Kapaskuhan.

Tinatawag din itong Misa de Gallo. Isa itong misang idinaraos sa bawat madaling-araw sa loob ng siyam na araw bago sumapit ang araw ng Pasko.

Nagsisimula ang simbang gabi tuwing ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre bago ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo. Ang misa sa madaling-araw ang pinakabantog na tradisyon ng Katolikong Pilipino.

Nagsimula ang kaugaliang ito noong panahon ng kolonyalismong Kastila. Inumpisahan ito sa Mehiko noong 1587, nang payagan ng Santo Papa ang paring Mehikanong si Diego de Soria na isang prayle, na magdaos ng mga misa sa labas ng simbahan upang mapaunlakan ang malaking bilang ng mga mamamayang ibig makinig ng misang panggabi.

Sa Pilipinas, nag-umpisa ang tradisyon noong 1669, nang magsagawa ang mga pari ng mga pang-madaling araw na misa para sa mga magsasakang nais dumalo rito tuwing Pasko ngunit hindi maaaring maiwan ang sakahan.

Ang mga Pilipino ay gumigising tuwing madaling-araw para dumalo sa misa upang ipakita ang kanilang malalim na pananampalataya sa Diyos, bilang paghahanda sa araw ng Pasko.

Ilan sa mga nakasanayan ng mga Pilipino na may kaugnayan sa Simbang Gabi ay ang pagtitinda ng mga nakaugaliang pagkain tulad ng:

Puto bumbong — Kulay ube na gawa sa malagkit at nilalagyan ng niyog at ng asukal na pula.

Bibingka — Tinatawag ding putong bibingka.

Iba’t ibang klase ng suman pero mas sikat ang suman sa ibos; mainit na pandesal at mga inuming salabat, tsokolate, tsaa, at kape.

Kadalasan silang nakikita sa tabi ng simbahan para sa mga dumadalo ng Simbang Gabi. At walang nakakatanggi sa masarap na amoy ng mga pagkain na ito. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?