66

Oct 27, 2017 @ 18:02

Simbahan naglunsad ng novena para sa mga biktima ng drug war sa Kalookan

Naglunsad ng novena ang mga debotong Katoliko ng Kalookan diocese para sa mga biktimang namatay sa madugong drug war at para sa paghilom ng kanilang mga pamilya.

Ang novena ay inilunsad sa pamamagitan ng misa na pinangunahan ni Bishop Pablo Virgilio David at sa pamamagitan ng pagtitirik ng kandila sa San Roque Cathedral.

Ayon kay Bishop David, tatagal ang Novena hanggang sa November 2, Araw ng mga Kaluluwa.

“Kasama sa ipinagtitirik natin ng kandila ang mga hindi namatay kundi pinatay, hindi nawalan ng buhay dahil binawi ng Diyos kundi binawi ng mga taong nagdi-diyos-dyosan,” saad ni David.

Ang novena ay para din umano sa mga namatay sa gyera sa Marawi City.

“Isanasama natin sa mga ipinagtitirik natin ng kandila ang mga biktima ng mga krimen, ang mga napatay sa giyera sa Marawi, at higit sa lahat, ang mga pinaslang dahil sa malupit na giyera kontra-droga,” dagdag ng obispo.

Kasama sa mga nagtirik ng kandila ay ang mga kaanak ng mga namatay sa drug war at mga myembro ng mga human rights group.

“Ipagtirik din natin ng kandila ang mga taong naniniwala at sumasang-ayon na ang bawat adik ay wala nang karapatang mabuhay, na walang makabubuti kundi ang puksain silang parang mga manok na napeste,” giit pa ni Bishop David. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?